Bilang ng pulis na nagbabantay sa libing ng sanggol na si River Nacino, ipinaliwanag ng PNP

Ipinaliwanag ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang dami ng pulis na nagbabantay sa libing ng sanggol na si River Nacino, sa Manila North Cemetery, ngayong hapon.

Ito ay matapos na ireklamo ng mga grupong tumutulong sa detinidong ina ni River na si Reina Mae Nacino, ang umano ay overkill na security sa libing.

Dahil anila sa sobrang higpit ng seguridad, ay hindi man lang nabibigyan ng pagkakataon na makapagluksa si Reina Mae sa pagpanaw ng kanyang tatlong linggong sanggol.

Ayon kay PNP Spokesperson Police Colonel Ysmael Yu, tama lang ang bilang ng mga pulis para bantayan ang ina ng bata, na nakakulong sa Manila City Jail dahil sa illegal possesion of firearms and explosives, at pinayagan lang ng korte na dumalaw sa kanyang namatay sa sanggol.

Sinabi pa ni Yu, na kailangan ang mga pulis para sa crowd control.

Yun aniyang kumukwestiyon sa bilang ng mga pulis na nagpapatupad ng seguridad ay walang accountability kung sakaling may mangyaring hindi kanais-nais.