Bilang ng mga out-of-school youth sa bansa posibleng bumaba na, dahil sa ‘Free College Education Law’ – Angara

Tiwala si Senador Sonny Angara, na malaki ang pag-asa na mabawasan na ang mga out-of-school-youth dahil sa Free College Education Law.

Ginawa ni Angara ang kanyang pahayag, matapos ang pormal na pagpalabas kahapon ng Commission on Higher Education (CHED) ng implementing rules and regulations (IRR) ng Republic Act 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act.

Ani Angara, na isa sa mga may akda ng naturang batas at isponsor ng P40-bilyong pondo para sa libreng pag-aaral sa kolehiyo, maipapatupad na rin sa wakas ang batas na magbibigay oportunidad sa bawat kabataan na maabot ang kanilang mga pangarap, at makapagbigay ng magandang buhay para sa kanilang pamilya.

Nakalulungkot, ayon sa Senador ang isang survey ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong taong 2016 na nagsasabing isa sa bawat 10 kabataang Pinoy na may edad 6 hanggang 24 ay mga out-of-school-youth.

Ayon pa rin sa survey, sa kabuuang bilang ng mga out-of-school youth, mahigit kalahati nito o 53 porsiyento sa mga ito ay nagmula sa 30 porsiyentong pinakamahihirap na pamilya sa bansa.

Sa ilalim ng RA 10931, sakop na nito ang mga bayarin sa matrikula sa 112 state universities and colleges, 78 local universities and colleges, at sa lahat ng Technical-Vocation Education and Training (TVET) programs na naka-rehistro sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Sakop din sa sasagutin ng Free College Law ang miscellaneous fees at iba pang bayarin ng estudyante na may kinalaman sa kanilang pag-aaral.

Sakop din ng subsidiyang ito ang mga mahihirap na mag-aaral, na naka-enroll sa private schools upang mabayaran nila ang kanilang tuition fee at iba pang bayarin sa paaralan. | via Jojo Ismael

Photo courtesy: https://bit.ly/2pK5LVk