Bilang ng mga lugar sa QC na naka-lockdown, nasa higit 40 pa

Nadagdagan pa ang bilang ng mga lugar sa Quezon City na isinailalim sa 14-day special concern lockdown dahil sa kaso ng COVID-19.

Sa ulat ng QC LGU, nasa 42 areas ang tinututukan ngayon at huling nadagdag sa talaan ang bahagi ng Ocampo St. sa Barangay UP Campus.

Lahat ng apektadong pamilya sa lugar ay sasailalim sa swab testing at mandatory 14-day quarantine o higit pa kung kinakailangan.

Hanggang kahapon nasa 7,010 o 8.4% ang active COVID-19 cases sa lungsod mula sa 83,512 confirmed cases.

Nasa 75,494 o 90.4 % naman ang mga gumaling na sa sakit habang pumalo na sa 1,008 ang mga pumanaw na.