Bilang ng mga child offender sa Davao City, bumaba

Bumaba ang bilang ng child offenders o tinatawag na Children in Conflict with the Law (CICL) sa nakaraang tatlong quarter nang kasalukuyang taon.

Ayon sa hepe ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD) nang Davao City Police Office (DCPO), na si Police Senior Inspector Lilibeth Remolar, sa nakalipas na tatlong quarter nang taon lumabas na bumaba ang CICL, mula 106 sa unang quarter, bumaba ito ng 65 sa ikalawang quarter, at naging 29 na lang sa third quarter.

Mayorya umano sa krimen kung saan nasasangkot ang child offenders, ay mga kasong pagnanakaw at physical injury.

Dagdag pa ni Remolar, na simula taong 2015 bumaba rin ang bilang ng CICL.

Batay sa talaan ng WCPD, umabot sa 519 ang CICLs noong taong 2015, 469 noong 2016 at 429 noong 2017.

Ang pagbaba ng bilang ng mga child offender ay dahil na rin sa patuloy na pagsasagawa ng kapulisan ng “Oplan Kalinaw”, isang programa ng DCPO para sa seguridad, kung saan direkta silang nakikipag-ugnayan sa komunidad upang sugpuin ang anomang kriminalidad.

Ang nasabing programa ay kinabibilangan ng lectures para sa mga magulang at mga kabataan, police visibility, social services na ibibigay ng local government, kabilang na dito ang pagbisita sa komunidad at pagpapaigting sa interaction sa mga social worker.

Ipinatupad rin ng pulisya ng Davao ang adopt-a-school program, ganun din ang programa para sa mga out-of-school-youth upang mailayo ang mga menor de edad na masangkot sa anomang krimen. | ulat ni Ruth Dumandan – Radyo Pilipinas Davao