Bilang ng kinasuhang tax evaders, nadagdagan pa – BIR

Sinampahan na ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng kasong kriminal sa Department of Justice (DOJ) ang tatlong delinquent corporate taxpayer at tatlo pang negosyante, dahil sa kabiguan na magbayad ng tamang buwis.

Ang pagsasampa ng kaso ay alinsunod sa ipinatutupad na Run After Tax Evaders (RATE) program ng BIR.

Ang mga kinasuhan ng paglabag sa tax code ay ang Asian Fuels Inc. at corporate officers nito na sina Anthony James Araneta, presidente, at Alfred Joseph Araneta ang treasurer.

Mozcom Inc. at corporate officers, na sina Richard Gan bilang chairman, President Robertson Chiang, at treasurers na sina Leeca Austria at Xelyne de Lara.

Sangu Phil Inc. kasama ang presidente ng kumpanya na si Katauo Sangu, General Manager na si Junichiro Arai at treasurer na si Jennifer Timblaco.

Ang Asian Fuels na nasa FTI Complex, Taguig City, ay may pagkakautang sa BIR na aabot sa higit P136.9 milyong, habang ang Mozcom na isang internet service provider na may mga tanggapan sa Makati City, Pasig, Marikina at Cainta ay may tax deficiency na higit sa P301 milyon.

Samantalang aabot naman sa P11.7 milyon ang utang na dapat bayaran sa buwis ng Sangu Phil Inc., na may tanggapan sa Lipa City at Ayala Alabang Muntinlupa City.

Binigyan na sila ng pagkakataon ng BIR na ayusin ang kanilang tax obligation pero binalewala lamang nila ito.

Ang tatlong iba pang negosyante na sinampahan din ng kaso dahil hindi nagbabayad ng tamang buwis ay sina Marivic Redondo,
Carlos Philipp II, Cariaga Santiago at Rene Depante Santos. | ulat ni Rey Ferrer