Biktima ng umano’y panggagahasa ng apat na pulis Bulacan, hindi na itutuloy ang reklamo at nanawagan na pakawalan na ang mga akusadong pulis

Hindi na itutuloy ng biktima na umano’y ginahasa ng apat na pulis Bulacan, ang reklamo laban sa mga pulis.

Sa isang text message na ipinadala umano ng biktima sa policewoman ng Women’s and Children’s Protection desk na humahawak ng kanyang kaso, nanawagan ito na pakawalan na lang ang mga naturang pulis at konsensya na lang nila ang bahala sa kanila.

Ang mensahe ay binasa ng policewoman habang nagsasagawa ng press conference si PNP Chief Police Director General Ronald “Bato” Dela Rosa sa Bulacan Provincial Police Office matapos iharap sa kanya ang mga inakusahang pulis.

Nilinaw naman ni Dela Rosa, na hindi siya nagtungo doon para sermonan ang mga naturang pulis, kundi upang alamin ang buong katotohanan sa likod ng insidente.

Muling tiniyak ni Dela Rosa, na kung totoo man ang reklamo ay hindi niya kukunsintihin ang anumang maling gawain ng kanyang mga pulis.

Pinagsabihan din ni Dela Rosa ang mga akusadong pulis na huwag babantaan o tatakutin ang biktima.

Kasabay nito nanawagan si Dela Rosa sa biktima na humarap sa PNP at ituloy ang kanyang reklamo kung totoo ito, kahit na ba siya ay may record ng pagkakasangkot sa iligal na droga.

Nauna rito, iniulat ni Bulacan Police Provincial Director Sr. Supt Romeo Caramat Jr., na hindi na nakikipagtulungan ang biktima at tumanggi na ring magpasailalim sa medical exam.

Una na ring sinabi ni PNP-IAS Inspector General Alfegar Triambulo na itutuloy nila ang imbestigasyon laban sa mga akusadong pulis at kakasuhan ang mga ito kung may makuhang ebidensya kahit na walang affidavit mula sa biktima. | via Leo Sarne