Big-time drug trafficker na nag-ooperate sa Metro Manila, nahuli sa QC

Tinatayang aabot sa kalahating kilo o 500 gramo ng shabu ang nasamsam ng pinagsanib na pwersa ng Regional Drugs Enforcement Unit ng NCRPO, QCPD at PDEA sa isinagawang drug buy-bust operation sa Quezon City kaninang alas-3:30 ng madaling araw.

Naaresto sa operasyon ang isang Bryan Dudley, alyas Bayan Taba, habang nasa akto ng pagbebenta ng iligal na droga sa isang nagpanggap na undercover agent.

Nangyari ang buy-bust operation sa kanto ng University St. at Commonwealth Ave. sa Brgy. San Vicente, U.P Diliman.

Karagdagan pang anim na plastic pack ng shabu na tumitimbang ng 600 gramo ang nadiskubre ng pulisya sa suspek. Sa sumatotal ay tinatayang nasa 1.1 kg ang nakuha mula dito na may street value na P7,480,000. May nakumpiska ding pera kasama ang apat na bundle ng budol money, marked money na katumbas ng P400,000.

Base sa impormasyon, una nang naaresto si Dudley ng Pasay City Police noong Abril 8, 2016 sa isang buy-bust operation at kinasuhan ng paglabag sa illegal drugs pero pinawalang-sala ng hukuman at nakalaya nitong Hulyo 2 ng taong kasalukuyan.

Napaulat na muling naging aktibo sa drug trafficking activities si Dudley at nag-ooperate sa mga lungsod ng Pasay, Manila at kalapit na mga lugar.  | ulat ni Rey Ferrer