BIFF, hinimok ng Wesmincom na sumuko na

Wala nang ibang opsyon ang mga teroristang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) kundi sumuko.

Ito ang inihayag ng pamunuan ng Western Mindanao Command (Wesmincom) sa isang statement na inilabas ni Col. Gerry Besana, tagapagsalita ng Wesmincom.

Tinukoy ng Wesmincom ang sunud-sunod na pagkalagas ng pwersa ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighrers (BIFF) sa mga nakalipas na enkwentro sa mga tropa ng Joint Task Force Central.

Pinakahuli dito ay ang pagkakapatay sa apat na BIFF fighters at pagkasugat ng dalawa pa sa matagumpay na operasyon ng Philippine Army laban sa grupong pinamumunuan ni Sulaiman Tudon kamakalawa sa Sitio Mopac, Brgy. Poblacion, Datu Paglas, Maguindanao.

Sa naturang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng 33rd Infantry Makabayan Battalion, 1st Mechanized Infantry Battalion, at 4th Special Action Battalion ng Philippine Army, napigilan ang tangkang pag-take over ng BIFF sa Datu Paglas.

Tiniyak ng pamunuan ng Wesmincom na magpapatuloy ang operasyon ng militar laban sa BIFF hanggang tuluyang mawasak ang teroristang grupo kung hindi susuko ang mga ito. | ulat ni Leo Sarne

Photo courtesy:  Lt. Col. Harold Cabunoc, Commander, 33rd Infantry Makabayan Battalion