Bicam para pag-isahin ang bersyon ng Senado at Kamara ng panukalang BBL, sisimulan ngayong araw

Sisimulan na ngayon ng Bicameral Conference Committee ang naitakdang apat na araw na pagpupulong para pag-isahin ang bersyon ng Senado at Kamara ng panukalang Bangsamoro Basic Law Law (BBL).

Itinakda ng Kamara at Senado ngayong araw, Hulyo 9, hanggang sa Hulyo 13, Huwebes, ang pag-uusap sa pamamagitan ng Bicameral Conference Committee para pag-isahin ang kanilang magkaibang bersyon ng BBL.

Nakasisiguro naman si Senate Majority Leader Migz Zubiri, chairman ng sub-committee on the BBL na tatalima sa Saligang Batas ang kanilang mabubuong pinal na bersyon ng BBL.

Aniya, sisikapin nilang manaig ang kanilang mga bersyon na isinusulong, partikular na ang mga amiyenda na tumatalima sa Konstitusyon.

Matatandaang Mayo 31 nang ipasa ng parehong kapulungan ng Kongreso ang kanilang mga bersiyon ng BBL.

Sa ilalim ng panukalang batas, magkakaroon ng isang Bangsamoro political entity na ipapalit sa kasalukuyang Autonomous Region in Muslim Mindanao o ang ARMM.

Ito ang nakikitang solusyon upang magkaroon ng mas malawak na self-rule ang mga Muslim sa kanilang mga probinsiya at siyudad.

Nauna nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang pagpapasa ng BBL ay isang pagtatama sa historical injustices na dinanas ng mga Moro. | ulat ni Jojo Ismael