BI, may pansamantalang polisiya para sa foreign nationals

Papayagan na ng Bureau of Immigration (BI) na umalis ng bansa ang mga foreign national, na may aprubadong immigrant o non-immigrant visas, kahit hindi pa sila naisyuhan ng kanilang alien certificate of registration identity card (ACR I-Card).

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, pinalawig ng kanilang ahensiya hanggang Decembre 31, 2021 ang nasabing polisiya.

Nilinaw ng opisyal na kapalit ng ACR I-Card, ang mga nasabing aalis na dayuhan ay kailangang ipakita lang ang official receipt ng kanilang ACR I-Card waiver application fee, at reentry permit (RP) o special return certificate (SRC).

Ayon naman kay BI Deputy Commissioner Tobias Javier, kung saan ang kanilang tanggapan ang nagpoproseso ng ACR I-Card waiver applications, inirekomenda nito ang nasabing polisiya para hindi maabala ang mga dayuhan na nagnanais na umalis sa bansa sa panahon ng pandemya.

Pinayuhan din ni Javier ang mga aalis na dayuhan, na ingatan ang kanilang mga opisyal na resibo dahil ito ang magsisilbi nilang ACR I-Card, na kakailanganing ipakita sa kanilang pagbabalik sa bansa.