Bentahan ng bigas sa Albay, napanatili ang matatag na presyo, ayon sa NFA

Nananatiling matatag ang presyo ng bigas sa mga pamilihan sa lalawigan ng Albay sa kabila ng patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.

Ayon kay NFA Administrator Jason Aquino, sa ginawang market monitoring ng NFA ang average prevailing retail price ng ‘regular milled rice’ ay nasa P39.00 pesos kada kilo habang P41.00 pesos kada kilo naman ang presyo ng ‘well milled rice’ bagama’t may pagtaas ng piso ang kada kilo kumpara noong nakalipas na linggo.

Kaugnay nito, suspendido pa rin ang pamamahagi ng NFA rice ng ahensiya sa mga accredited NFA retailers nito sa Bicol Region para bigyang prayoridad ang relief operation activities sa rehiyon.

Pero nanatili namang bukas 24/7 ang Operations Center ng NFA-Bicol para i-monitor ang sitwasyon sa lugar at handang makatugon sa mga tanong at pangangailangan ng mga LGUs, relief agencies at iba pang institusyon na kukuha ng supply ng bigas.

Base sa datos, hanggang kahapon kabuuang 27,670 bags na ng bigas ang naipamahagi ng NFA-Bicol sa mga kinauukulan tulad ng DSWD, Provincial Disaster Risk Reduction Management office, Provincial Government of Albay at iba pang institusyon para ipamahagi sa mga pamilyang naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Mayon. | via Rey Ferrer