Bed capacity ng mga pampublikong ospital sa ilang lungsod, madadagdagan

Pinagtibay ng Senado sa ikatlo at panghuling pagbasa ang tatlong panukalang batas na naglalayong madagdagan ang bed capacity ng  mga pampublikong ospital sa lungsod ng Zamboanga, Surigao del Sur at Mountain Province.

Ayon kay Senador JV Ejercito, chairman ng Senate Committee on Health and Demography, ang pagpasa ng House Bill Nos.  6114, 6742 at 6621 ay para higit na mapagsilbihan  ng mga kinauukulang pampublikong ospital ang mga tao sa mga nabanggit na lalawigan.

Sa House Bill No. 6114, dodoblehin ang bed capacity ng Luis Hora Memorial Regional Hospital sa Bauko, Mountain Province mula 100 tungo  sa 200 mga kama, habang sa  House Bill No. 6742 ay madadagdagan ang bed capacity ng Zamboanga City Medical Center sa Zamboanga City mula sa kasalukuyang 500 kama tungo sa 800. Sa House Bill No. 6621 naman, ang bed capacity ng Adela Serra Ty Memorial Medical Center sa Tandag City, Surigao Del Sur  ay madadagdagan alinsunod sa magiging rekomendasyon ng Department of Health.

Ayon kay Ejercito, kailangan ng bansa ng karagdagang 42,856 hospital beds upang maitugma ang ratio sa pagitan ng hospital beds at populasyon sa mga lalawigan.

Sa ngayon, ang Pilipinas ay may 88,394 o 67 porsyento ng 131,250 beds na kinakailangan para makamit ang tamang ratio.  | ulat ni Jojo Ismael