BBL, target ipasa sa Kamara bago ang sine die adjournment

Kumpiyansa si House Majority Leader Rudy Fariñas na maihahabol na maipasa sa plenaryo ng Kamara ang House Bill 6475 o ang Bangsamoro Basic Law bago ang sine die adjournment ng Kongreso.

Ayon kay Fariñas, ngayong pasado na sa committee level, sunod na magpapatawag sila ng isang all-member caucus upang plantsahin ang mga probisyon na hindi napagkakasunduan ng ilang mambabatas.

Tiniyak rin nito na sa mangyayaring caucus ay patas na pakikinggan ang opinyon ng mga miyembro pati na mga oposisyon hinggil sa kanilang mga proposed amendment sa panukala.

Kaugnay nito, hinimok ni Fariñas ang mga kapwa mambabatas na mag-usap at magkasundo sa isang katanggap-tanggap na Bangsamoro Basic Law.

Sa panig ng Senado ay tinatalakay na rin sa plenaryo ang bersyon nito ng BBL na nauna ng sinertipikahang urgent ni Pangulong Duterte. | via Merry Ann Bastasa