BBL, inaasahang malalagdaan sa SONA ng Pangulo sa Hulyo

Sa State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo ng Pangulong Rodrigo Duterte posibleng mapirmahan ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL).

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa gitna ng kumpiyansang kakayaning lumusot ng BBL sa judicial scrutiny.

Bukod dito ani Roque ay halos wala nang tigil ang kabi-kabilang pagpupulong ng mga mambabatas at ng MILF habang may pagkakataong sumaksi pa rito ang Presidente.

Ilan lamang aniya sa hindi inaayunan ng Pangulo ay ang pagkakaroon ng bukod o hiwalay na Bangsamoro Police at Armed Forces sa ilalim ng BBL.

Sa kasalukuyan ay lusot na sa dalawang kapulungan ng Kongreso ang kani-kanilang bersyon ng panukala na susundan ng bicameral conference hanggang sa maipadala na sa tanggapan ng Office of the President para sa kaukulang lagda.

Kailangang maratipikahan ng dalawang kapulungan ang reconciled version sa umaga ng Hulyo 23 kaalinsabay ng pagbubukas ng 3rd regular session ng 17th Congress. | ulat ni Alvin Baltazar