Bayanihan Act, may probisyon sa mga bayarin ng migrant workers sa gitna ng  COVID-19

Ipinunto ni House Ways and Means Committee Chair Representative Joey Salceda na sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act ay mayroong probisyon na nagpo-protekta sa mga migrant worker na “uniquely burderned” bunsod ng COVID-19.

Batay aniya sa Section 4 ng batas hindi dapat hihigit sa P300 kada buwan ang sisingiling contribution charge ng PhilHealth para sa taong 2020, habang hindi dapat hihigit sa P375 para sa 2021 at hindi rin dapat lalagpas sa P450 ang sisingiling contribution pagsapit naman ng 2022.

Ang mga unpaid contribution naman mula March 15 hanggang December 31, 2020 ay hindi dapat patawan ng interes at penalty.

Samantala, iminungkahi naman ni Ako Bicol Partylist Representative Alfredo Garbin Jr. sa PhilHealth ang isang alternatibo upang makapagbayad pa rin ang mga OFW nang hindi naman mabigat sa kanilang bulsa.

Una rito ang pagkakaroon ng P1,000 na one time pre-departure PhilHealth membership fee na ia-advance ng licensed recruitment agency o ship manning agency.  Maaari rin aniyang i-subsidize na ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang kalahati nito.

Ang pangalawa naman ay P20 na kaltas sa kada remmitance o money transfer ng OFW na icha-charge sa kanyang PhilHealth account.

Kailangan lamang aniyang tiyakin na ire-register ng recruitment o manning agency ang OFW sa PhilHealth bago ito umalis ng bansa.