Bayanihan 3, pinasesertipikahan bilang urgent ng Makabayan bloc

Humirit ang Makabayan bloc sa Kamara na sertipikahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang urgent ang Bayanihan 3.

Ayon kay Bayan Muna Partylist Representative Carlos Zarate, dahil sa naitalang gross domestic product (GDP) contraction na 4.2 percent, dapat madaliin ang pag apruba sa Bayanihan 3 gayundin sa iba pang panukalang batas, na makakatulong sa mga Pilipino ngayong pandemya.

Kailangan na aniyang ayudahan ng pamahalaan ang mga Pilipino, para matiyak ang pag ikot ng ekonomiya habang hindi pa nakakamit ang herd immunity.

Umapela naman si Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas kay Pangulong Rodrigo Duterte, na itaas sa P10,000 ang universal cash aid sa Bayanihan 3 para sa lahat ng pamilyang apektado ng COVID-19 pandemic, sa halip na P2,000 lang sa bawat Pilipino.