Bayanihan 3, lusot na sa ikalawang pagbasa sa Kamara

Pinagtibay na ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang House Bill 9411 o Bayanihan to Arise as One Act.

Sa inaprubahang bersyon ng Mababang Kapulungan, ibinaba sa P401 billion ang proposed budget para sa Bayanihan 3 mula sa orihinal na proposal na P405.6 billion.

Nakasaad sa panukala na kailangan maipatupad sa loob ng tatlong buwan ang P165.9 billion Phase 1 ng lifeline measure.

Matapos ang tatlong buwan ay susunod ang pagpapatupad sa P186 billion phase 2 at susunod ang P48.6 billion phase 3 matapos ang anim na buwan.

Nakapaloob sa B3 ang P2,000 na “Ayuda to All Filipinos”.

Ipapamahagi ang unang bugso isang buwan matapos maisabatas ang panukala at ang ikalawa naman ay matapos ang tatlong buwan.

Ang DSWD at DILG, katuwang ang local government units ang bubuo ng listahan ng benepisyaryo.

Bukod pa ito sa P5,000 hanggang P10,000 na ayuda para sa quarantine-affected households.

Ilan pa sa mga nakapaloob sa panukala ang:
P20 billion wage subsidies,
P25 billion assistance to displaced/disadvantaged workers,
P30 billion assistance para sa agri-fisheries sector, P500 million para sa libreng RT-PCR test ng mga OFW at seafarers, P54.6 billion pension and gratuity para sa MUPs, P4 billion para sa suporta sa basic education tulad ng tablet at internet allowance at P500 million na ayuda at subsidy para sa teaching personnel sa Higher education.

Kabilang naman sa ipinapanukalang pagkunan ng pondo ang realigned o reprogrammed appropriations sa 2021 GAA basta’t hindi gagalawin ang For Comprehensive at For Later Release, new revenue sources, savings mula sa Bayanihan 1 at 2 gayundin ang pagtataas sa dividend remittances ng GOCCs at pagkuha mula sa overcapitalized o excess na kapital ng mga ito.

298 na kongresista ang lumagda bilang may-akda ng panukala.