Bayan ng Sta. Cruz, Davao del Sur, ipinahahanda na ang cash incentives para kay Tokyo Olympics 2020 Silver Medalist Nesthy Petecio

Ipinag-utos na ni Sta. Cruz, Davao del Sur Municipal Mayor Jaime Lao Jr. sa kanilang Local Finance Committee na maghanda na ng pondo para sa cash incentive na ibibigay sa kanilang kababayan na 2020 Tokyo Olympics Silver Medalist na si Nesthy Petecio.

Sa isang video message, sinabi ni Lao na sinabihan na nito ang nasabing committee na mag realign ng social funds para maiabot ito kay Petecio kung uuwi na ito sa kanilang bayan.

Ayon kay Lao na ang nasabing insentibo ay bilang pagbibigay pugay sa karangalan na ibinigay ni Petecio, hindi lang sa kanilang bayan at lalawigan, maging sa buong Mindanao at Pilipinas.

Hindi naman inilahad ng alkalde kung magkano ang ibibigay ng kanilang bayan para kay Petecio.

Bukod dito, magsasagawa rin ng hero’s welcome ang pamahalaang lokal para kay Petecio, pero nilinaw ng alkalde na ang gagawing seremonya ay alinsunod sa minimum public health standards na itinakda ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease.

(Photo from Nesthy Petecio Facebook Account)