Bayan ng Santo Tomas sa Davao Del Norte, naghahanda na sa pag pasok ng bagyong Crising

Naghahanda na ang Pamahalaang Bayan ng Santo Tomas, Davao del Norte, sa pagpasok ng bagyong Crising sa kanilang lugar.

Sa panayam ng Radyo Pilipinas Davao kay Santo Tomas Municipal Information Officer Mart Sambalud, sinabi nito na tinututukan ngayon ng pamahalaang lokal ang mga flood-prone barangay, upang agad makagawa ng hakbang kung bubuhos ang malakas na ulan na dala ng bagyo.

Ayon kay Sambalud, bago pa man ang pagbabadya ng bagyong Crising, nagsagawa na sila ng declogging sa river banks at drainage system, dahil na rin sa mga insidente ng pagbaha sa kanilang bayan nitong mga nakaraang buwan dala ng malakas na buhos ng ulan.

Nakahanda na rin ang mga relief good ng munisipyo, kung sakaling may maapektuhan at magsilikas na mga pamilya kung may babahaing lugar.

Nanawagan din si Sambalud sa lahat ng mga residente, na makipag-ugnayan sa mga opisyal ng barangay para agad makakuha ng mga impormasyon hinggil sa lagay ng kanilang lugar, kung sakaling may preemptive evacuation na isasagawa.

Samantala, nagdeklara na rin ng suspensyon ng klase sa lahat ng antas si Mayor Ernesto Evangelista, at iniutos ang work from home arrangement sa empleyado ng mga sangay ng gobyerno sa kanilang bayan.

Napabilang sa Typhoon Cyclone Wind Signal Number 2 ang buong probinsya ng Davao del Norte, kung saan inaasahan ang epekto nito sa kanilang lugar.