Bayan ng Mahatao, Batanes, nag-improvise ng sanitation tents, PPEs 

Dahil sa kakulangan ng mga Personal Protective Equipments (PPEs) hindi lamang sa lalawigan ng Batanes kundi sa buong bansa, nag-improvise ang mga frontliners sa bayan ng Mahatao katulong ang kanilang Municipal Local Government Unit.

Tulong-tulong silang gumawa ng mga washable facemasks na siya rin ipapamahagi sa buong komunidad, hindi lamang sa mga frontliners.  Sila rin ay gumawa ng mga face shields para sa kanilang mga health workers.

Nagtayo rin ang Rural Health Unit ng bayan ng Sanitation Tent, kung saan gagamitin ito bilang decontamination area bago at matapos ang kanilang monitoring sa kanilang mga pasyente at galing sa outpost duty.

Ang ideya ng Sanitation Tent o SaniTent na ito ay gawa ng mga taga-Unibersidad ng Pilipinas Diliman na ibinahagi sa internet at siyang naging basehan upang maka-pagtayo nito sa naturang bayan.

Nais pa rin ng naturang bayan na makiisa sa lalawigan sa pagpapanatili bilang COVID-19-free.