Bayan ng Jose Abad Santos, Davao Occidental, nagre-require na ng negative RT-PCR result sa mga taong pumapasok sa kanilang border mula sa ibang rehiyon

Sinumulan na ng bayan ng Jose Abad Santos ang kanilang implementasyon sa pagre-require ng negative RT-PCR result sa lahat ng mga tao na pumapasok sa kanila mula sa kanilang rehiyon.

Ito ang inihayag ni Jose Abad Santos Mayor Jason Joyce sa isang panayam.

Ayon kay Joyce pinahihigpitan na ang pagbababantay ng security forces ng probinsya ang Barangay Kitayo na border nito sa bayan ng Glan, Sarangani Province na parte na ng Region 12.

Sinabi ng alkalde na agad nilang ipinatupad ang resolusyon ng Regional Inter-Agency Task Force on COVID-19 o ang Uniformed Border Control dahil gusto nilang mapanatili ang mababang kaso ng COVID-19 sa kanilang bayan maging sa probinsya.

Dagdag nito, isa rin sa dahilan ng agarang implementasyon ng uniformed border control ay ang pagtangka ng isang grupo na mula sa labas ng rehiyon na magsagawa ng treasure hunting sa isang barangay na malapit sa border.

Inilahad ni Joyce na ang nasabing grupo ay mayroong 224 katao na nais pumasok sa bayan para hanapin umano ang mga natatagong kayamanan na nakalibing sa Barangay Kalbay.