Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, ikinatuwa ang pagiging bukas muli ng Pangulo na buhayin ang peacetalks

Welcome para kay Bayan Muna Rep. Carlos Zarate ang bagong pahayag ng Pangulong Duterte na nananatiling bukas pa rin ang pinto nito sa pakikipag-usap at pagbuhay ng usaping pangkapayapaan sa komunistang grupong National Democratic Front of the Philippines o NDFP.

Sa speech ng Pangulo sa Oriental Mindoro, partikular na sinabi nitong handa siyang muling ituloy ang peace talks sa mga komunista basta’t magkakaroon ng deklarasyon ng mutual ceasefire at ihihinto na ng mga ito ang pangongolekta ng revolutionary taxes.

Tugon naman dito ng progresibong mambabatas, mas makabubuti sa dalawang partido kung walang mga kondisyon na hihingin sa pagpapatuloy ng peacetalks, sa halip ay dapat na pagtuunan muna aniya ang mga nakalipas na kasunduan sa pagitan ng GRP at NDFP gaya ng Comprehensive Agreement of Social and Economic Reforms o CASER.

Suhestyon nito, simulan nang muli ng dalawang partido ang negosasyon, upang maresolba na ang ilang dekadang gusot at armed conflict sa bansa. | via Merry Ann Bastasa