Batikos sa umano’y “recycled” na mga opisyales ng pamahalaan na ipinupuwesto sa gobyerno, bunga ng pamumulitika ng mga re-electionist sa 2019 elections

Epekto lang ng political season ang kaliwa’t kanang puna ng mga kritiko kontra sa administrasyon kabilang na dito ang batikos tungkol sa mga umano’y recycled government officials na muling inilalagay sa puwesto.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, hindi na nila ikagugulat pa kung batuhin ng katakot-takot na puna ang administrasyon mula sa mga muling tatakbo sa susunod na taong eleksyon.

Inihayag ni Roque na kanilang ipinauubaya sa mamamayan ang paghusga sa kampanya ng Duterte administration kontra korapsyon.

Malinaw naman aniya ang krusada ng Pangulo kontra katiwalian kung saan 20 na ang inalis nito sa puwesto na karamihan ay pawang malalapit sa kanya.

Pagbibigay-diin pa ng Palace Spokesperson, ang pagtatalaga ng ipupuwesto sa gobyerno ay isang presidential prerogative. | ulat ni Alvin Baltazar