Batas na nagpapalawig sa lifeline rates sa mahihirap na power consumers, welcome sa ERC

Ikinalugod ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang pagsasabatas ng Republic Act 115521, na nagpapalawig ng lifeline rate o subsidies para sa marginalized power consumers.

Sa isang pahayag, sinabi ni ERC Chair Agnes Devanadera, na magandang balita ito para sa mga mahihirap na customer dahil mananatili ang discounted rates nila sa kuryente.

Kabilang sa mga makikinabang dito ang mga qualified household-beneficiaries ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, at mga consumer na sinertipikahan bilang marginalized ng kanilang distribution utilities.

Tiniyak naman ng ERC, na kaisa ito ng Pangulo sa layuning maibsan ang paghihirap ng mga consumer sa pamamagitan ng lifeline rate subsidy.

Makakaasa umano ang mamamayan, na ang lebel ng konsumo, subsidiya at taripa na itatakda ng ERC, ay naaayon sa nararapat at nakabubuti sa lahat ng consumer.