Batas na magpapaliban sa Halalang Pambaranggay at Sangguniang Kabataan, malabo ng magawa

Ayon kay Senate President Koko Pimentel, kahit naipasa na ito sa Kamara, malabo naman itong maapura ng Senado kahit anong gawing pilit.

Malabo ng maihabol ang paggawa ng batas na magpapaliban sa Halalang Pambarangay at Sangguniang Kabataan.

Ayon kay Senate President Koko Pimentel, kahit naipasa na ito sa Kamara, malabo naman itong maapura ng Senado kahit anong gawing pilit.

Paliwanag ni Pimentel, kapag natanggap ng Senado mula sa Kamara ang pagpapaliban ng barangay elections, hindi ito ura-uradang mapaaaprubahan ng mga senador.

Sa patakaran ng kapulungan, kailangan pa itong ipasa sa committee level na dapat ay magpatawag ng public hearing at matapos nito, idadaan pa sa plenary debates.

Kapos aniya sa panahon dahil limang araw na lang ang kanilang plenary sessions kabilang ngayong araw.

Sa Marso 21, mag-aadjourn ang sesyon ng dalawang kapulungan para sa taunang Congressional Recess at sa Mayo 14 na ang kanilang balik, na siyang takdang araw ng Barangay Elections.

Tiniyak naman na kapag natanggap ang panukalang batas, aaksyunan iyon bilang respeto ng Senado sa Kamara.  | via Jojo Ismael