Batas militar at Bangsamoro Organic Law hindi garantiya para sa pagkakaroon ng tunay at pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao – Lacson

Para kay Sen. Ping Lacson, ang pinakahuling insidente ng pagsabog sa Isulan, Sultan Kudarat ay patunay na ang batas militar o maging ang Bangsamoro Organic Law ay hindi garantiya para sa pagkakaroon ng tunay na kapayapaan at kaayusan sa Mindanao.

Sa halip, sinabi ni Lacson na dapat baguhin ng National Security Council at ng ground security forces ng bansa ang kanilang mga planong pangseguridad at istratehiya lalo na sa Mindanao, at iwasan din ng gobyerno ang pakikipag-usap pangkapayapaan sa isang tribu habang napag-iiwanan ang iba.

Kanyang tinukoy na biglang nabuo at lumitaw na Moro Islamic Liberation Front (MILF), at naging dominanteng armadong puwersa nang kausapin ng gobyerno ang Moro National Liberation Front (MNLF).

At habang kinakausap ang MILF, isang break-away group naman ang naghahasik ng kaguluhan sa maraming bahagi ng Mindanao.

Kaugnay nito, naghain si Lacson ng isang panukalang batas, ang Senate Bill No. 1956, o ang panukalang Anti-Terrorism Act of 2018 na naglalayong higit na mapalakas ang Human Security Act of 2007.

Sa panuakalang hakbangin, may probisyon ukol sa mga banyagang terorista at may idinagdag na predicate crimes.

Sa panukala ni Lacson, paparusahan sa batas ang mga banyagang terorista, kabilang ang mga nagbiyahe sa isang bansa na iba sa kanyang bansang tinitirahan para mag-organisa ng terrorist acts; at ang mga nakatira sa abroad na bumalik sa Pilipinas para lamang magsagawa o makibahagi sa paggawa ng terorismo.  | ulat ni Jojo Ismael