Batangas PDRRMO, kinabitan na ng Earthquake Intensity Meter ng PHIVOLCS

Nilagyan na ng Earthquake Intensity Meter ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa Provincial Sports Complex sa Batangas City.

Bahagi ito ng patuloy na pagpapalakas ng kapasidad ng lalawigan sa disaster preparedness, katuwang ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Ayon kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Department Head Joselito Castro, ang instrumento ay inaasahang susukat sa lakas ng pagyanig na dulot ng anumang paglindol sa lalawigan.

Agarang matatanggap at mababasa ito sa pamamagitan ng mga computers sa Central Office ng PHIVOLCS sa Quezon City.

Sinabi pa ni Castro, malaking tulong ang makabagong kagamitan sa pagganap ng kanilang tanggapan sa disaster management.

May kapasidad din aniya ang earthquake equipment na masukat ang intensity ng mga paglindol na magaganap sa mga kalapit lalawigan na mararamdaman sa Batangas.