Basurang ipinasok sa bansa, ibabalik na sa South Korea ngayong buwan

Umaasa ang environmental group na Ecowaste Coalition, na maaalis na ang tone-toneladang basura na ipinasok sa bansa mula sa South Korea ilang buwan na ang nakakalipas.

Kasunod ito ng pagtiyak ng pamahalaan ng Pilipinas at ng South Korea, matapos magkasundo sa ginanap na bilateral meeting kaugnay sa repatriation ng may 6,500 toneladang magkahalong basura na nakaimbak sa Misamis Oriental.

Target na maibalik sa South Korea ngayong Enero 9 ang 51 containers na puno ng basura.

Ayon kay Aileen Lucero, national coordinator ng grupo, wala ng dahilan para hindi maibalik sa lalong madaling panahon ang mga basura sa pinanggalingan nito lalo pa’t lahat ng regulatory requirements ukol dito ay nakahanda na.

Ang shipment ng mga basura ay naipasok sa bansa ng walang import permit mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), at ang misdeclaration ng garbage shipments bilang “plastic synthetic flakes.” | ulat ni Rey Ferrer