Barko ng Japanese Maritime Self-Defense Force, dumating sa bansa para sa 3-araw na pagbisita

Dumating sa bansa ang Japanese Maritime Self-Defense Force Destroyer Akizuki para sa tatlong (3) araw na port visit.

Dumaong ngayong araw ang barko sa Subic Bay Free Port matapos itong salubungin ng Philippine Navy (PN) vessel BRP Emilio Jacinto (PS35) sa karagatan ng Morong, Bataan.

Ito ang ikalawang pagbisita ng naval vessel ng Japan, matapos na unang bumisita sa bansa ang JS Amagiri noong Pebrero.

Ang JS Akizuki ay isang general type destroyer na may isang helicopter at minamandohan ng dalawang daang (200) crew.

Pinagkalooban ng isang port Welcome Ceremony ng mga opisyal ng Philippine Navy sa pangunguna ni Capt. Francis Alexander R. Jose, ang mga bumibisitang opisyal ng Japanese maritime self-Defense Force.

Kasama sa mga Japanese Officials ang kauna-unahang babaeng warship squadron Commander ng Japanese maritime self Defense Force na si Captain Ryoko Azuma, ang Commander ng Escort Division One, na kinabibilangan ng flagship Izumo helicopter carrier; at ang commanding Officer ng JS Akizuki na si Commander Kazunori Ishii.

Ayon kay Philippine Navy Spokesperson Capt. Lued Lincuna, ang pagbisita ng Japanese destroyer ay inaasahang mas lalong nagpapatatag ng samahan ng Philippine at Japanese Navies sa promotion ng peace and stability, at maritime cooperation. | via Leo Sarne