Barangay health workers sa Taguig City na nagtatrabaho dahil sa COVID-19, na-promote 

Doble na ang sweldong tatanggapin ng mga barangay health worker sa lungsod ng Taguig na nagtatrabaho sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic matapos silang i-promote ng lokal na pamahalaan.

Mula volunteer workers ay gagawin na silang job order personnel na nangangahulugang tatanggap ng regular na sahod at karagdagang benepisyo sa halip na allowance.

Ayon kay Human Resources Management Office Head Jeanette Clemente, ang mga BHW na binibigyan ng P3,000 na allowance ay magiging P7,900 na; P8,500 mula sa tumatanggap ng P4,000 pesos at P9,700 mula sa P5,000.

Bukod sa mas mataas na monthly pay, makikinabang din sa P15,000 na performance incentive kada taon ang barangay health workers.

Iginiit ni Taguig City Mayor Lino Cayetano na ito ang paraan upang pasalamatan ang health workers na nasa frontline na nagtatrabaho para tiyaking naaalagaan ang mga residente laban sa coronavirus disease ( COVID-19).

Mayroong 854 barangay health workers na ipinakalat sa Taguig City para tumulong sa mga nangangailangan ng atensyong medikal, maghatid ng gamot sa bawat tahanan at umayuda sa nurses at midwives para sa iba pang health services sa komunidad.