Barangay Food Terminal rice outlets sa buong bansa, binuhay na ng NFA

Muling binuhay ng National Food Authority ang kanilang retail outlets sa Barangay Food Terminals sa buong bansa para maging madali na sa mga pamilyang mababa ang kita na makabili ng murang bigas.

Sa isang memorandum na inilabas ni NFA Administrator Jason Aquino, inatasan nito ang lahat ng field officer na palakasin ang polisiya sa distribusyon ng bigas upang makarating sa mga mamimili.

Sa kasalukuyan, may mga 76 NFA rice outlet sa mga Barangay Food Terminal sa buong bansa na aktibong nag-ooperate at pinagsisilbihan ang may 500 pamilya.

Ang mga outlet na ito ay binibigyan ng lima hanggang 35 bags ng NFA rice kada linggo at nagbebenta ng tatlo hanggang 10 kilograms ng bigas sa bawat mamimili.

Matatagpuan ang ilang Barangay Food Terminals na operational na sa Benguet, Kalinga, Masbate, Camarines Sur at Camarines Norte, Albay, Cavite, Davao del Sur, Davao Occidental, General Santos, North Cotabato, Sultan Kudarat, Caraga, at iba pang parte ng Metro Manila.

Bukod sa nasabing outlets, nagdagdag pa ang NFA ng dalawa pang outlets para sa ‘indigenous peoples’ sa Kidapawan.

Sa kabuuan, may mga 19,359 accredited rice retailer sa buong bansa ang NFA na nagbebenta ng murang bigas sa halagang P27 at P32 kada kilo. | ulat ni Rey Ferrer