Barangay chairman ng Parañaque na tumangging magbigay ng quarantine pass sa mga hindi pa fully vaccinated, pinagpapaliwanag

Isa pang barangay official ang inisyuhan ng show-cause order ng Anti-Red Tape Authority dahil sa pagtanggi na bigyan ng quarantine passes ang mga hindi pa fully vaccinated laban sa COVID-19.

Binigyan ng ARTA ng pitong araw si Barangay San Isidro Chairman Noel Japlos ng Parañaque City para magpaliwanag ukol dito.

Malinaw umano na nilabag ng barangay official ang Republic Act No. 11032 o Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018.

Ang show-cause order ay inilabas base sa facebook post ni Japlos na nagpapaliwanag tungkol sa guidelines ng distribusyon ng quarantine passes na ipinadala ng concerned citizen sa ARTA.

Paliwanag ni ARTA Director General Secretary Jeremiah Belgica, ito ay isang isyu ng red tape dahil wala namang alituntunin na sinasabi sa pagkuha ng quarantine passes ay kailangang mga vaccinated lamang.