Bantang paggisa ng mga mambabatas sa inihihirit na budget ng PCOO, welcome sa tanggapan

Handang sagutin ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ang anumang katanungan na ibabato sa kanila ng mga mambabatas patungkol sa panibagong kontrobersiya na nalikha ng “federalism video” kung saan makikita si PCOO Assistant Secretary Mocha Uson at ang blogger na si Drew Olivar.

Ito ang reaksiyon ni PCOO Secretary Martin Andanar sa naging pahayag ni Sen. Risa Hontiveros na daraan sa butas ng karayom ang budget ng PCOO sa taong 2019.

Ayon kay Andanar, welcome sa kanila ang anumang katanungan na ibabato sa kanila ng mga mambabatas kung bakit makatwirang ipagkaloob sa kanila ang P100 milyong badyet.

Kaugnay nito ay umaasa naman si PCOO Undersecretary Lorraine Badoy na hindi maaapektuhan ng kontrobersiyal na “federalism video” ang inihihirit na pondo ng kanilang tanggapan para sa susunod na taon.

Pero aminado ang PCOO official, may mga natatanggap siyang mensahe na nagsasabing nasaktan sila sa nalikhang usapin ng viral video gayung sagrado aniya para sa kanila ang federalism. | ulat ni Alvin Baltazar