Banta ng mga negosyante na malawakang tanggalan sa mga manggagawa kapag ibibigay ang malaking umento sa sahod, inalmahan ng KMU

Binuweltahan ng Kilusang Mayo Uno (KMU) si Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) Chairman Sergio Luis-Ortiz Jr.

Kasunod ito ng ginawang pagsangkalan ng PCCI sa mga small and medium enterprises, para takutin ang mga manggagawa na magdudulot lamang sa malawakang tanggalan sa trabaho kapag ipipilit ang hinihinging P750 umento sa sahod.

Hinamon ni Elmer Labog, chairperson ng KMU si Ortiz at si Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III na pagdebatehan ang isyu ng pasahod.

Aniya, may sapat na kapasidad para magtaas ng pasahod ang mga multinational companies at conglomerates sa bansa.

Maliit lang ito na sakripisyo sa isang ekstraordinaryong panahon na nagsisipagtaasan ang presyo ng bilihin at serbisyo.

Batay sa pagtaya ng independent ‘think tank’ na IBON, sa National Capital Region pa lamang, may 20 korporasyon na may pinagsamang kita ang abot na ng P903 billion.

Sinabi ni Labog, 14.6% lamang sa tubong ito ang mawawala kung maibigay ang hirit nila na P750 ang national minimum wage.

Idinagdag pa nito na dapat ay magkaroon ng bahagi ang mga negosyante sa dinadanas ng mga maliliit na manggagawa sa mataas na pasahe at presyo ng pangunahing bilihin.  | ulat ni Rey Ferrer