Banta ng ISIS na ikalat ang sakit na AIDS sa mga syudad na ipinapasa sa social media, hindi totoo ayon sa PNP

Walang katotohanan ang isang mensahe na ipinapasa sa social media tungkol sa banta umano ng ISIS na ikalat ang sakit na AIDS sa mga lungsod.

Ito ang binigyang diin ni Philippine National Police Spokesperson CSupt. John Bulalacao na nagsabing isang panibagong hoax ang chain message na ishini-share sa Facebook.

Nakasaad sa naturang mensahe na dapat mag-ingat ang publiko sa mga kakatok sa kanilang bahay na magpapakilalang galing sa faculty of medicine ng isang paaralan na magbibigay ng libreng blood sugar check-up.

Mga ISIS members umano ang mga ito na magpupumilit na kumuha ng blood sample sa kanilang biktima, kung saan ang gamit na karayom ay infected ng AIDS virus.

Nakasaad pa sa mensahe na ang impormasyon tungkol sa bagong modus ng ISIS ay batay sa nakalap na intelligence information ng Pangulo.

Ayon kay Bulalacao, “poorly scripted” ang naturang mensahe na ang layon lang ay maghasik ng takot sa mga mamamayan.

Muling nanawagan si Bulalacao sa publiko na huwag nang ipasa ang naturang mensahe dahil baka may mga uto-utong maniwala dito. | ulat ni Leo Sarne