Bangsamoro Organic Law, napirmahan na ng Pangulong Duterte

Kinumpirma ng Malacañang na napirmahan na ng Pangulong Rodrigo Duterte ang Bangsamoro Organic Law o BOL.

Sa isang pahayag, sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque at Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go na ganap nang napirmahan ng Pangulo bilang isang batas ang BOL.

Unang inanunsyo ng Pangulong Duterte ang pagkakalagda niya sa BOL sa kanyang naging talumpati sa 69th Anniversary ng Araw ng Ipil sa Zamboanga Sibugay.

Sinabi rin ng Pangulo na babalik siya sa Kamaynilaan para sa isang ceremonial signing kasama sina Bangsamoro Transition Commission Chair Ghazali Jaafar at Moro Islamic Liberation Front (MILF) Chairman Al Haj Murad Ebrahim.

Nais rin aniyang makausap ng Pangulong Duterte si Moro National Liberation Front o MNLF Chair Nur Misuari kung maaaring maibigay sa kanila ang hiling na autonomiya bago matapos ang taon.

Matatandaang plano sanang isagawa ang pagpirma ng Pangulo sa BOL kasabay ng kanyang SONA nitong Lunes, ngunit naunsiyami ito dahil sa gulo sa House leadership.

Sa kanyang SONA rin ay humingi ang Pangulo ng 48-oras para mabasa at marebyu ang nilalaman ng naratipikahang bersyon ng BOL ng dalawang kapulungan ng Kongreso.  | ulat ni Nimfa Mae Asuncion