Bangsamoro gov’t, inaaral pa kung pahihintulutan ang face to face classes sa isolated areas

Patuloy na inaaral ng BARMM Ministry of Education, kung pahihintulutan na ang face to face classes sa ilang isolated na lugar sa rehiyon.

Sa joint meeting ng House Committees on Suffrage and Electoral Reforms, Muslim Affairs at Special Committee on Peace, Reconciliation and Unity, sinabi ni BARMM Minister of Interior and Local Government Naguib Sinarimbo, na mayroong request sa ilang lugar na malalayo at walang kaso ng COVID-19 na magkaroon ng face to face classes.

Hanggang ngayon kasi, ay hamon pa rin para sa mga mag-aaral ang internet connectivity lalo na ang mga nasa isla.

Ayon kay Sinarimbo, kanilang tinitimbang kung magbubukas na ba ng klase sa isolated areas.

Hindi kasi aniya maisasantabi, na sa pagbiyahe ng mga guro at personnel ay posibleng makakuha ito ng virus at madala sa isolated areas.

Kung mangyari aniya ito, ay hindi kakayanin ng mga isla at maliliit na komunidad ang pagtaas sa kaso ng COVID-19, dahil sa kawalan ng maayos na health care facility, kakaunting health workers, at transportasyon.

Sa ngayon, ay inuumpisahan na rin aniya ang pagpapabakuna sa mga manggagawa o kabilang sa A4 category kasama na ang mga guro.