Bangayan ng alkalde ng Calbayog at Samar PNP provincial director, iimbestigahan ni PRO8 Director Dionardo Carlos

Iimbestigahan ni Police Regional Office 8 Director Chief Supt. Dionardo Carlos ang bangayan sa pagitan ni Calbayog Mayor Ronaldo Aquino at Samar Police Provincial Director Nicolas Torre III.

Ito ay matapos na ipaabot sa kanya ni Senior Supt. Torre ang naging desisyon ng Ombudsman Visayas, kaugnay sa isinampa nitong criminal at administrative cases laban kina Mayor Aquino at anim na mga city councilor ng Calbayog City.

Isinampa ni Torre ang kaso laban sa mga opisyal ng Calbayog City matapos na ipasa ng mga ito ang isang resolusyon na nagdedeklara sa kanya bilang persona non grata.

Nakasaad rin sa memorandum na ipinadala ni Torres kay Carlos na nais niyang tanggalan ng deputation si Mayor Aquino sa National Police Commision (NAPOLCOM) o ang pansamantalang pag-aalis sa alkalde ng kontrol sa mga police, batay sa Section 52 ng Republic Act 6975.

Ito ay dahil umano sa pagsuporta ng alkalde sa criminal elements at mga aksyon nitong naglalagay sa alanganin ng peace and order ng siyudad.

Paliwanag ni Carlos, ang mga local chief executive na deputized ng NAPOLCOM ay dapat nangunguna sa anti-criminality, peace and order at public safety efforts.

Pag-aaralan rin ni Carlos kung ano ang naging batayan ng alkalde at anim nitong councilors para ideklarang persona non grata si S/Supt. Torre na patuloy ang operasyon kontra loose firearms mula sa private armed groups o PAGS na nag-ooperate sa Calbayog City. | ulat ni Leo SarneĀ