Balita ng Rappler tungkol sa isang mayamang Chinese businessman, mali, ayon sa Malacañang

Ipinatutuwid ng Malacañang sa Rappler ang inilabas nitong balita patungkol sa umano’y pag-uugnay ng Pangulong Rodrigo Duterte sa isang mayamang Chinese national sa iligal na droga at sa Chinese Ambassador to the Philippines.

Inihayag ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na maselan ang issue at posibleng may maidulot itong hindi magandang epekto sa diplomatikong relasyon sa pagitan ng Pilipinas at China kung hindi babawiin ng Rappler ang naturang artikulo.

Binigyang-diin ni Roque na malinaw na malinaw namang sinabi ni Pangulong Duterte na walang kaugnayan si Yang sa operasyon ng iligal na droga at kilala ito sa China.

Bukod dito’y kabilang rin aniya ito sa entourage nang bumisita ang Chinese Premier dito sa Pilipinas.

Nagpadala din ng tanong ang Rappler sa briefing sa Malacañang, pero tumanggi si Roque na sagutin ito hanggang hindi aniya itinatama ang istorya na kanilang inilabas.  | ulat ni Alvin Baltazar