Bahala na ang PDEA kung ilalabas ang ‘narco list’ ng 300 Barangay Officials – PNP Chief Albayalde

Bahala na ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kung ilalabas nila ang listahan ng halos 300 baranggay officials, na sinasabing involved sa ilegal na droga.

Ito ang sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief Police Director General Oscar Albayalde sa kanyang unang press conference sa Camp Crame ngayong umaga.

Pero binigyang-diin ni Albayalde, na kailangang maging patas din sa mga akusado at ma-validate ng husto ang impormasyon, bago isapubliko ang mga pangalan ng mga naturang baranggay officials na nasa narco list.

Paliwanag ni Albayalde, malaki ang posibilidad na may mga naisamang mga pangalan na hindi naman talaga konektado sa ilegal na droga.

Ayon kay Albayalde, maaaring itinuro lang ng kanilang mga kalaban sa pulitika ang ilan sa mga barangay officials na nasama sa narco list, upang maipanalo ang kanilang kandidatura sa halalan.

Una nang sinabi ni PDEA chief Aaron Aquino, na kailangang isiwalat ang pangalan ng mga Kapitan at Kagawad ng barangay, na sangkot sa ilegal na droga para sa kaalaman ng mga botante.

Sinabi pa ni Aquino, na naipadala na ang listahan na naglalaman ng 289 na opisyal ng barangay sa Office of the President. | via Leo Sarne