Bagyong Usman naglandfall na sa Eastern Samar

Tuluyan nang humina at naging isa na lamang low pressure area si Tropical Depression Usman matapos itong mag-landfall sa Eastern Samar kaninang umaga.

Base sa pinakahuling bulletin na inilabas ng Pagasa Weather Bureau, naglandfall si Usman sa Borongan City, bandang alas-6 ng umaga.

Kaugnay ng kaniyang paghina, inalis na ng weather bureau ang lahat ng tropical cyclone warning signal sa ilang lalawigan sa Luzon, Visayas at Mindanao na nasa ilalim ng signal number 1.

Gayunman, makakaranas pa rin ng moderate to heavy rains ang mga lugar sa CALABARZON, MIMAROPA , Bicol region at Aurora, habang light to moderate na may kalakasang pag-ulan ang mararanasan pa rin sa Metro Manila at iba pang lugar sa Central Luzon at Visayas.

Hindi pa rin pinapayagan ng weather bureau ang mga mangingisda at maliliit na sasakyang pandagat na pumalaot sa bahagi ng Northern at Central Luzon, eastern at western seabords ng Southern Luzon at eastern seaboards ng Visayas dahil sa daluyong dala ng northeast monsoon.

Kaninang alas-7 ng umaga ang sentro ng LPA ay nasa bisinidad ng Llorente Western Samar.

Dahil sa pag-alis ng tropical cyclone warning signals, inalis na rin ng Philippine Coast Guard ang suspension sa lahat ng sea vessels at maaari na silang makapagbiyahe sa karagatan. | ulat ni Rey Ferrer