Bagyong Jenny, inaasahang lalabas ng PAR mamayang hapon

Nakatawid na ng Luzon ang bagyong Jenny kaninang alas-3 ng madaling araw at inaasahang lalabas na ng Philippine area of responsibility (PAR) mamayang hapon o gabi.

Sa situation report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong alas-6 ng umaga, nakapagtala ng dalawang patay at dalawang sugatan sa Pasukin at Laoag City, Ilocos Norte, sa magkasunod na bagyong Ineng at Jenny.

Umabot naman sa 14,655 na pamilya o 61,528 na indibidwal ang apektado, sa 237 baranggay sa Regions 1,2 at 3.

May 726 na pamilya o 2,748 na indibidwal naman ang kasalukuyang nasa 53 evacuation centers, habang 116 na pamilya o 432 indibidwal ang pinagkakalooban ng tulong sa labas ng evacuation centers.

Habang 652 na magsasaka at 94 na mangingisda naman ang apektado sa Ilocos Norte at Batanes.

Umabot sa 68 kabahayan ang iniulat na nagtamo ng pinsala, kung saan 24 ang totally damaged sa Ilocos Norte at La union.