Bagong swabbing site, binuksan sa Davao City

Nagbukas ng bagong swabbing site ang Davao City Government, upang mas maraming maisailalim na Dabawenyo na kailangang ma-swab test ngayong may surge ng COVID-19 case sa lungsod

Ayon kay City Health Officer Dr. Ashley Lopez, may tatlong major swabbing site na ang city government, na kinabibilangan ng Sta. Ana swabbing center, Crocodile Park swabbing site, at ang kakabukas lang na swabbing center sa loob ng Magsaysay Park.

Ayon kay Lopez, isa ito sa mga solusyon ng local government upang ma-decongest ang Sta. Ana swabbing center, na dinadagsa ng sobra sa 1,000 mga indbidwal kada araw na sanhi ng pagsisiksikan ng mga tao doon.

Ngayon, tanging mga F1 o iyong may direct exposure sa COVID-19 positive ang tatanggapin sa Sta. Ana swabbing center.

Samantala, sa Croc Park at Magsaysay Park ay mga F2 at F3.

Maliban sa nasabing tatlong main swabbing sites, operational din ang mga swabbing unit sa walong district health centers sa lungsod, para sa mga indbidwal na may Influenza Like Illness (ILI).