Bagong political party na susuporta kay Pangulong Rodrigo Duterte, umaasa na mabigyan ng accreditation ng Comelec

Kampante ang bagong sulpot na political party na Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na makakuha ito ng accreditation sa Commission on Elections.

Ang bagong partido ay nabuo mula sa iba’t ibang grupo na sumusuporta kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ganap nang inilunsad ang Partido Federal ng Pilipinas na kinabibilangan ng iba’t ibang hanay ng mamamayan, mga manggagawa, mga doktor, abogado, engineer, government workers, drivers at iba pa na ang pangunahing isinusulong ay ang pederalismo.

Ayon kay Atty. George Briones, General Council ng Partido Federal ng Pilipinas, bilang isang partido-politikal, hihikayatin din nila ang iba pang politiko, indibidwal at maging si Pangulong Duterte na maging miyembro nila.

Naniniwala rin ang PFP na sa pederalismo mas lalakas ang suporta sa agrikulltura para labanan ang kahirapan, pagbibigay ng trabaho at industriyalisasyon sa ating bansa.

Una nang nakakuha ng accreditation sa Comelec ang political party na Hugpong ng Pagbabago ni Davao City Mayor Sarah Duterte matapos na ilunsad ito.  | ulat ni Rey Ferrer