Bagong ebidensya, testigo, aasahan bukas sa pagdinig ng Senado sa anomalya sa NBP at isyu sa ninja cops

Something explosive. Ganito inilarawan ni Senate President Vicente Sotto III ang tatakbuhin ng magiging pagdinig ng Senate Blue Ribbon at Justice Committee bukas tungkol sa good conduct time allowance (GCTA) law at iba pang isyu sa Bureau of Corrections (BuCor), New Bilibid Prison (NBP) at ninja cops ng Philippine National Police (PNP).

Ayon kay Sotto, may mga aasahang bagong ebidensya at isa o dalawang bagong testigo ang ihaharap sa pagdinig bukas.

Hindi naman na tinukoy ng senate president kung para sa anong partikular na isyu ang ipipresintang mga bagong ebidensya at testigo.

Aniya, higit limang subpoena ang pinirmahan niya kagabi at ang lahat ng ito ay subpoena duces tecum o pag-aatas na dumalo sa pagdinig ang isang indibidwal at dalhin ang mga kailangang dokumento.

Kabilang pa rin aniya sa mga inaasahang dadalo bukas sa pagdinig sina PDEA chief Aaron Aquino, PNP chief General Oscar Albayalde, dating PNP CIDG chief, ngayo’y Baguio city Mayor Benjamin Magalong, at ang labing tatlong pampanga police na isinasangkot sa pagrerecycle ng ilegal na droga kabilang na ang nakulong sa bilibid na si Major Rodney Baloyo.