Bagong line up ng mga miyembro ng Gabinete, posibleng ianunsiyo ng Pangulong Duterte bukas

Posibleng ilahad ng Pangulong Rodrigo Duterte sa miyembro ng kanyang mga Gabinete ang panibagong line up ng kanyang team bukas sa kanilang Cabinet meeting.

Sa press briefing sa Malacañang, inihayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na posibleng sa kanilang pulong bukas mag-anunsiyo ang Presidente ng kanyang mga ipapalit na indibiduwal at ipupuwesto sa mga nabakanteng posisyon sa Gabinete.

Ilan na dito ay ang posisyon ng Office of the Political Affairs na dating hinahawakan ni Secretary Francis Tolentino.

Sa kabilang dako’y nakatakda namang manumpa si Davao representative Carlo Alexei Nograles mamayang hapon, bilang bagong Secretary to the Cabinet kapalit ni Jun Evasco na naghain ng kandidatura.

Tiwala at kumpiyansa ang naging batayan ng Pangulong Duterte sa pagkakahirang nito kay Nograles.  | ulat ni Alvin Baltazar