Bagong liderato sa Senado, asahan na ngayong taon – Lacson

Sinabi ngayon ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na inaasahang magkakaroon ngayong taon ng  pagbabago sa liderato ng  Senado.

Sa kanyang pagsasalita sa lingguhang kapihan sa Senado, sinabi ni Lacson na alam niyang may kasunduan na sina Senate President Koko Pimentel at Senate Majority Leader Sotto ukol sa pagsasalin ng liderato ngayong taon o bago ang 2019 mid-term elections.

Sa naturang kasunduan, si Sotto umano ang hahalili kay Pimentel kapag ang huli ay maghahain ng kanyang kandidatura para sa muling pagtakbo sa 2019 senatorial election.

Dagdag pa ni Lacson, na sa kanyang pagkakakilala kay Pimentel tutuparin nito ang kanyang nabitiwang pangako umano kay Sotto.

Matatandaang una na ring sinabi ni Sotto sa mga mamamahayag sa Senado na handa siyang pumalit kay Pimentel, ito’y kapag makakuha siya ng tamang bilang ng suporta mula sa kanyang mga kasamahang senador.

Sa dalawampu’t tatlong senador sa kasalukuyan, pito sa kanila ay mga re-eleksyunita na kinabibilangan nina Pimentel, Grace Poe, Cynthia Villar, Nancy Binay, JV Ejercito, Sonny Angara at Bam Aquino.

Habang sina Senator Loren Legarda, Gringo Honasan at Antonio Trillanes ay ga-graduate na mula sa Senado. | via Jojo Ismael

Photo courtesy: https://bit.ly/2JKxdeb