Bagong IRR ng GCTA law, ‘di nangangahulugang may mali sa orihinal na bersyon

Binigyang diin ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na ang ginawang pagbabago sa implementing rules and regulations (IRR) ng good conduct time allowance (GCTA) law ay hindi nangangahulugang may pagkakamali sa orihinal nitong bersyon.

Ito ay matapos maglabas ang Department of Justice (DOJ) at Department of the Interior and Local Government (DILG) ng revised IRR ng Republic Act 10592 o ang GCTA law.

Giit ni Drilon, ito ay kwestiyon lamang ng interpretasyon ng batas.

Ginawa aniya ang unang bersyon in good faith at sadyang ganoon lang ang naging interpretasyon ng batas.

Samantala, hindi pabor si Drilon na amyendahan ang GCTA law ngayong mayroon nang bagong IRR.

Naniniwala ang senador, na alinsunod na sa totoong intensyon ng batas ang bagong IRR kaya’t hindi na kailangang baguhin ang batas.

Kabilang sa mga nakasaad sa bagong IRR ay ang hindi pagsama sa mga heinous crime convict sa mga magagawaran ng good conduct time allowance.