Bagong Cabinet Secretary Karlo Nograles, handa nang sumabak sa bagong trabaho

Inaasahan na ni bagong Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles ang kanilang close partnership ni Pangulong Rodrigo Duterte, kasunod ng pagkakasama niya sa Executive Department bilang miyembro ng gabinete.

Ayon kay Nograles, nangangailangan ng close coordination ang kanyang magiging working relationship sa Pangulo lalo na at may mga iikutin itong mga lugar at dadaluhang mga aktibidad.

Dagdag ni Nograles, na kasama rin sa kanyang magiging trabaho bilang cabinet secretary ay ang maghanda ng agenda sa tuwing may cabinet meeting, daluhan ang cluster meeting ng gabinete at magsilbing representate ng Pangulo sa ilang mga pagkakataon, habang mauupo din siya sa board ng National Economic and Development Authority (NEDA).

Kumpiyansa naman si Nograles, na hindi na siya magkakaroon pa ng malaking adjustment sa aniya’y kanyang bagong pamilya, na ang tinutukoy ay ang kanyang mga kapwa miyembro ng gabinete.

Aniya, halos lahat ay kakilala at kaibigan na niya, at nakaharap pa sa mga pagdinig sa Committee on House Appropriations ng Kongreso, na kanyang pinamunuan. | ulat ni Alvin Baltazar