Bagong buffer stock, target ng bubuuing TWG ni DA Sec. Manny Piñol

60 days buffer stock ang planong reporma ni Sec. Manny Piñol kasabay ng isyu ng pagbaba ng suplay ng NFA rice sa bansa.

Sa isang press conference sa Maynila sinabi ni Sec. Piñol na marami silang repormang ipapatupad para makuha ang 60 days buffer stock.

Ilan sa mga ito aniya ang pagbibigay ng insentibo sa mga magsasaka na magbebenta ng kanilang ani sa NFA.

Kasabay nito ibinunyag din ni Piñol na marami silang napansin na iregularidad sa kanilang ginawang pag-iikot sa merkado.

Ani Piñol walang sistema sa pagpresyo ng bigas at sa tamang klasipikasyon ng mga ito.

Nangako din ang kalihim na gagawan nila ng trackers ang mga imported na bigas ng bansa kung saan ito nagmula.

Ito ay para matukoy kung ang mga ito ba ay talagang imported o locally milled rice.

Layon aniya nito na mahuli ang mga retailers na naghahalo ng mga ibat-ibang klaseng bigas at ibebenta sa mataas na presyo bilang premium rice. | via Lorenz Tanjoco